Bilang isang bahagi ng 2016 Summer Davos Forum, idinaos Hunyo 26, 2016, sa Tianjin ang G20 Forum. Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawang kinabibilangan nina Li Baodong, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina at Sinirlioglu, Tagapamagitan ng Turkey sa G20.
Sa kanyang keynote speech sa porum, ipinahayag ni Li Baodong na umaasa ang Tsina na bibigyan ng pansin sa G20 Summit na idaraos sa Hangzhou, Tsina sa darating na Setyembre, ang mga nukleong problemang nakakaapekto sa kabuhayang pandaigdig, at ang mga isyung may-kinalaman sa bagong paraan at paghahanap ng bagong potensyal sa paglaki ng kabuhayan; pagtatatag ng mabisang sistema sa pangangasiwa sa kabuhayan at pinansya ng daigdig; pagpapasulong ng kalakalan at pamumuhunan ng daigdig at pagpapasigla ng kabuhayang pandaigdig; pagpapasulong ng inklusibo at komong pag-unlad at pagsasakatuparan ng G20 Sustainable Development Agenda sa taong 2030.
Sinabi ni Li na patuloy na magsisikap ang Tsina, kasama ng ibat-ibang panig, para sa preparasyon ng G20 Summit sa Hangzhou, batay sa bukas at inklusibong prinsipyo.
Ipinahayag naman ni Sinirlioglu na sa harap ng bumababang paglaki at produktibong kakayahan ng kabuhayang pandaigdig, ang pagsasagawa ng bagong paraan para ibayong pasulungin ang kabuhayan, na itinataguyod ng Tsina ay makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig, sa hinaharap.