Sa news briefing Huwebes, May 26, 2016, na may kinalaman sa G20 Summit na gaganapin sa Tsina sa Setyembre, sinabi ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina na itatampok sa summit ang usapin ng kaunlaran.
Ipinaliwanag ni Wang na ngayong taon ay unang taon ng pagpapatupad sa United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development. Aniya, masasabing ang tampok sa kaunlaran sa naturang summit ay ang komong pananabik ng mga umuunlad na bansa na kinabibilangan ng Tsina.
Idinagdag pa niyang ang mga miyembro ng G20 ay pangunahing ekonomiya sa daigdig, kaya, maaari silang manguna at maging huwaran sa pagpapatupad sa nasabing agenda ng UN. Umaasa rin si Wang na sa gaganaping summit, idurugtong ng mga miyembro ng G20 ang kanilang mga gawain sa nasabing UN agenda para marating ang mga katugong hakbangin sa mga larangan kung saan may pinakamataas na malasakit at pagpapahalaga ang mga umuunlad na bansa. Kabilang sa nasabing mga larangan ay pamumuhunan sa imprastruktura, industryalisasyon, enerhiya, food security at iba pa, dagdag ni Wang.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio