Ayon sa China News Service, idinaos sa Hanoi, Hunyo 27, 2016, ang Ika-9 na Pulong ng Lupong Patnubay sa Bilateral na Kooperasyong Sino-Biyetnames. Magkasamang nangulo sa pulong sina Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina, at Pham Binh Minh, Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Biyetnam.
Ipinahayag ni Yang na sapul noong isang taon, sa ilalim ng patnubay ng mga lider ng dalawang partido at bansa, at kanilang magkasamang pagsisikap, walang humpay na umuunlad ang relasyong Sino-Biyetnames, at lumalalim nang lumalalim ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa iba't-ibang larangan. Aniya, dapat mataimtim na tupdin ng dalawang bansa ang narating na komong palagay ng mga lider, at patuloy na pasulungin ang kanilang kooperasyon sa iba't-ibang larangan para magkasamang mapasulong pa ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Pham Binh Minh, nananatiling mainam ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Nananalig aniya siyang makapagbigay ang naturang pulong ng ambag para sa pagpapasulong ng kooperasyong Biyetnames-Sino sa mga larangang gaya ng pulitika, kabuhayan at kalakalan, kultura, at lipunan.
Sinang-ayunan din ng dalawang panig na igiit ang mapagkaibigang pagsasanggunian at talastasan para makontrol nang mainam ang situwasyon sa dagat at mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Salin: Li Feng