Ipinatalastas kahapon, Biyernes, ika-24 ng Hunyo 2016, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na mula ika-26 hanggang ika-28 ng buwang ito, dadalaw sa Biyetnam si Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina, at mangungulo siya, kasama ni Pangalawang Punong Ministro Pham Binh Minh ng Biyetnam, sa ika-9 na pulong ng lupong tagapatnubay sa bilateral na kooperasyon ng dalawang bansa.
Ayon kay Hua, bilang mekanismong pangkoordinasyon sa pinakamataas na antas sa pagitan ng pamahalaan ng Tsina at Biyetnam, ang pagpapasulong sa relasyon ng dalawang bansa sa bagong kalagayan ay magiging pokus ng nasabing pulong. Tatalakayin aniya ng dalawang panig ang mga hakbangin hinggil sa pagpapalakas ng kanilang kooperasyon sa iba't ibang aspekto.
Sinabi rin ni Hua, na sa kasalukuyan, mainam ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyong Sino-Biyetnames. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Biyetnam, na ipagpatuloy ang pagkakaibigan, at palalimin ang pagtutulungan, para maghatid ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai