|
||||||||
|
||
Beijing, Tsina - Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-118 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas at Ika-41 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Pilipinas at Tsina, magkakasunod na itinanghal Hulyo 1 at 2, 2016 ang mga pelikulang "Bonifacio: Ang Unang Pangulo at Heneral Luna.
Sina Minister at Consul General Elizabeth T. Te (kaliwa sa litrato) at Rhio Zablan, reporter mula sa Serbisyo Filipino ng CRI.
Sa panayam sa Serbisyo Filipino, sinabi ni Minister at Consul General Elizabeth T. Te, napili ang dalawang pelikula na ipalabas sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing upang ipakita sa mga Pilipino at mga kaibigan mula sa ibat-ibang bansa ang mga napaka-importanteng papel na ginampanan nina Andres Bonifacio at Antonio Luna upang makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga mananakop.
Ang mga ito rin aniya ay napiling ipalabas upang ipakita sa buong mundo ang ilang importanteng kaganapan sa kasaysayan ng Lahing Pilipino, na humubog sa kultura, pag-iisip at kamalayan ng bansa.
Makakatulong aniya ang mga pelikulang ito upang mapalakas ang pag-unawa ng Tsina at buong mundo sa kultura at paniniwala ng mga Pilipino.
Si Daphne O. Chiu, Line Producer ng pelikulang "Bonifacio: Ang Unang Pangulo" at "Heneral Luna".
Sa kanya namang hiwalay na talumpati, sinabi ni Daphne O. Chiu, Line Producer ng naturang dalawang pelikula, na siya'y tunay na nagagalak dahil naging bahagi siya ng pagdiriwang ng Ika-118 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas at Ika-41 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Pilipinas at Tsina.
Ipinahayag ni Chiu, na umaasa siyang sa pamamagitan ng dalawang pelikula, maipapakita sa mga kaibigang Tsino ang isang bahagi ng kultura at kasaysayang Pilipino.
Si Ariel Diccion, Pilipinong Guro sa Peking University.
Samantala, ayon kay Ariel Diccion, Pilipinong Guro sa Peking University, napakaganda ng dalawang nasabing pelikula dahil ipinapakita ng mga ito ang ilang napakahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
Aniya pa, ang mga pangyayaring ito ang humubog sa pagiging bansa ng Pilipinas at mainam na maibahagi ito sa buong mundo upang maunawaan ang kulturang Pilipino.
Sina Yuchen "James" Ma, isa sa mga Tsinong kumukukuha ng kursong Philippine Studies sa Peking University (kaliwa sa litrato) at Rhio Zablan, reporter mula sa Serbisyo Filipino ng CRI.
Sinabi naman ni Yuchen "James" Ma, isa sa mga Tsinong kumukukuha ng kursong Philippine Studies sa Peking University at estudyante ni Diccion, na dahil sa pelikulang Andres Bonifacio: Ang Unang Pangulo, mas nalinawan niya ang ibat-ibang bagay at pangyayari sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas.
Aniya pa, ang nasabing pelikula ay isang motibasyon para lalo pa niyang pag-aralan ang kasaysayan ng Pilipinas, dahil maraming interesanteng detalye sa kasaysayan ng Pilipinas na hindi masyadong napapansin sa mga aralin sa pamantasan.
Si Youyang "Neomi" Zheng, isa ring mag-aaral ng Peking University.
Ipinahayag naman ni Youyang "Neomi" Zheng, isa ring mag-aaral ng Peking University, na napakaganda ng pelikula, dahil ibang-iba ito sa mga pelikulang Pilipino na napanood niya, at napakaganda rin ng sinematograpiya, damit at eksena.
Aniya pa, naging mas malinaw at kongkreto rin para sa kanya ang ilang detalye sa kasaysayan ng Pilipinas.
Mayroon ding mga kaibigang nagmula sa Finlad, India, at Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hongkong ng Tsina na nanood ng pelikula. Ipinahayag nilang sana ay magkaroon pa ng mas maraming pagpapalabas ng pelikulang Pilipino sa hinaharap.
Sina Lotta Kaariainen, Assitant to Defense Attache ng Embassy of Finland sa Tsina (kanan sa litrato) at Rhio Zablan, reporter mula sa Serbisyo Filipino ng CRI.
Sina Raja Guru, Junior Warrant Officer ng Office Superintendent & Asst to Air Attache ng Embassy of India sa Tsina (kanan sa litrato) at Rhio Zablan, reporter mula sa Serbisyo Filipino ng CRI.
Sina Hung Hoi Lan, Direktor ng Business Development Department Hilton Hotel sa Beijing (kanan sa litrato) at Rhio Zablan, reporter mula sa Serbisyo Filipino ng CRI.
Ang pelikulang Andres Bonifacio: Ang Unang Pangulo ay inilabas noong 2014. Ito ay pinagbidahan ni Robin Padilla bilang si Andres Bonifacio, at idinirekta ni Enzo Williams.
Ito'y nagkamit ng labinsiyam (19) na parangal na tulad ng Movie of the Year sa Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards, Movie Cinematographer of the Year sa PMPC Star Awards, Movie Musical Scorer of the Year sa PMPC Star Awards, Best Picture sa Metro Manila Film Festival (MMFF), Best Student-Oriented Film sa Platinum Stallion Media Awards, at marami pang iba.
Sa kabilang dako, ang pelikulang "Heneral Luna" naman na inilabas noong 2015, at pinagbidahan ni John Arcilla bilang Antonio Luna, sa ilalim ng direksyon ni Jerrold Tarog, ay nagkamit ng pitong (7) panalo at labingwalong (18) nominasyon mula sa ibat-ibang organisasyon sa loob at labas ng Pilipinas.
Kabilang sa mga panalo nito ay Best Actor sa Gawad Urian Awards, Best Director sa Gawad Urian Awards, Movie of the Year sa Star Awards for Movies, Movie Actor at Director of the Year sa Star Awards for Movies, at maraming marami pang iba.
/end//rhiozablan/jadexian/ernestwang/vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |