Sa magkahiwalay na paanyaya ng Punong Ministro at Pangulo ng Mongolia, mula ika-13 hanggang ika-16 ng Hulyo, opisyal na dadalaw sa Mongolia at dadalo sa ika-11 Asia–Europe Meeting (o ASEM) Summit si Premyer Li Keqiang ng Tsina.
Ipinahayag Lunes, Hulyo 11, 2016, ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa panahon ng gaganaping pagdalaw ni Premyer Li, may pag-asang lalagdaan ng Tsina at Mongolia ang maraming mahalagang kasunduang pangkooperasyon. Bukod dito, ilalahad sa ASEM Summit ni Li ang pag-asa at paninindigan ng panig Tsino hinggil sa pagpapataas ng kooperasyong Asyano-Europeo, sa ilalim ng bagong kalagayan.
Idaraos sa Ulan Bator ang ika-11 ASEM Summit mula ika-15 hanggang ika-16 ng Hulyo. Ang tema ng kasalukuyang summit ay "20 Taong Partnership ng Asya-Europa, Paglikha ng Connectivity ng Kinabukasan." Isinalaysay ng nasabing minsitri na ang Tsina ay tagapagmungkahi at mahalagang driving force ng proseso ng ASEM. Bilang tagapagtatag ng ASEM, dumalo sa lahat ng mga ASEM Summit ang mga premyer ng Tsina, at iniharap ang 28 mahalagang mungkahi tungkol sa kooperasyong Asyano-Europeo.
Salin: Vera