Pormal na "hahatulan" bukas, Hulyo 12, 2016, ang kaso ng arbitrasyon sa South China Sea na unilateral na inihain ng pamahalaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas. Paulit-ulit at solemnang ipinahayag ng pamahalaang Tsino na hindi nito tatanggapin at hindi lalahukan ang naturang arbitrasyon, at hindi rin kikilalanin at tutupdin ang resulta ng gagawing "hatol." Sa kasalukuyan, ang mahigit dalawang daang (200) dayuhang partido ang nagpahayag ng kanilang pagkatig sa paninindigan ng panig Tsino tungkol sa isyu ng South China Sea.
Noong Hunyo 16, 2016, ipinahayag ni Manam Tu Ja, Presidente ng Kachin State Democracy Party (KSDP), na sa mula't mula pa'y iginagalang ng kanyang partido ang Partido Komunista ng Tsina (CPC) at pamahalaang Tsino. Kinakatigan aniya ng KSDP ang posisyon ng lider ng Tsina sa isyu ng South China Sea.
Noong Hunyo 21, 2016, ipinahayag ni Ahsan Iqbal, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng Pakistan Muslim League, na kinakatigan ng kanyang paritdo ang paglutas sa isyu ng South China Sea sa pamamagitan ng pagsasanggunian at talastasan ng mga may-kinalamang bansa batay sa umiiral na bilateral na kasunduan at "Declaration on the Code of Conduct on the South China Sea." Ipinalalagay aniya ng kanyang partido na dapat ganap na igalang ng mga bansa sa labas ng rehiyong ito ang ibinibigay na pagsisikap ng Tsina at mga bansang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng naturang karagatan.
Mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 5, 2016, binigyang-diin ni Miyegombo Enkhbold, Pangulo ng Mongolian People's Party (MPP), at Pangulo ng State Great Hural of Mongolia, na napakahalaga ng pagpapatibay at paggarantiya sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea. Naninindigan aniya ang MPP na mapayapang lutasin ang kinauukulang hidwaan sa nasabing karagatan sa pamamagitan ng talastasan ng mga direktang may-kinalamang bansa.
Salin: Li Feng