Ayon sa Xinhua News Agency, sa kanyang pakikipag-usap sa Beijing Lunes, Hulyo 18, 2016, kay Chansamone Chanyalath, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Laos, sinabi ni Chang Wanquan, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na ang kasalukuyang taon ay ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Laos, at kinakaharap aniya ng relasyon ng dalawang bansa ang mahalagang pagkakataon ng pag-unlad. Umaasa siyang mapapanatili ng dalawang hukbo ang pagdadalawan sa mataas na antas, at mapapalalim ang pragmatikong kooperasyon, para magkaloob ng matatag na garantiya sa seguridad at pag-unlad ng sariling bansa. Nang mabanggit ang kaso ng arbitrasyon sa isyu ng South China Sea na inihain ng Administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, ipinahayag ni Chang na ang umano'y hatol sa arbitrasyon ay ganap na walang bisa at binding force, at hindi ito tinatanggap at kinikilala ng Tsina. Pinasalamatan ng panig Tsino ang pantay na posisyon ng panig Lao sa nasabing isyu, dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Chansamone na sa mula't mula pa'y kinakatigan ng kanyang bansa ang posisyon ng panig Tsino sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig. Umaasa aniya siyang mapayapang malulutas ang hidwaan sa South China Sea sa pamamagitan ng talastasan ng mga may-kinalamang panig.
Salin: Li Feng