Ayon sa Xinhua News Agency, sa kanyang pakikipagtagpo sa Beijing Lunes, Hulyo 18, 2016, kay Chansamone Chanyalath, dumadalaw na Ministro ng Tanggulang Bansa ng Laos, sinabi ni Xu Qiliang, Pangalawang Tagapangulo ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na nakahanda ang hukbong Tsino na walang humpay na palalimin ang relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon sa hukbong Lao para mapangalagaan ang seguridad at pag-unlad ng sariling bansa, at makapagbigay ng positibong ambag sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Kaugnay ng kaso ng arbitrasyon sa South China Sea na inihain ng Administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, ipinahayag ni Xu na sa anumang kondisyon, hindi maaapektuhan ng hatol ng nasabing arbitrasyon ang soberanya sa teritoryo at kapakanang pandagat ng panig Tsino sa South China Sea. Hinding hindi tinatanggap at kinikilala aniya ng panig Tsino ang nasabing hatol. Dagdag pa niya, pinasalamatan ng panig Tsino ang pantay na posisyon ng panig Lao sa isyung ito.
Sinabi naman ni Chansamone na patuloy na mananangan ang kanyang bansa ng patakarang pangkaibigan sa Tsina, at pasusulungin ang pagtatamo ng relasyon ng dalawang bansa at hukbo ng bagong progreso. Aniya, palagiang kinakatigan ng panig Lao ang posisyon ng panig Tsino sa isyu ng South China Sea.
Salin: Li Feng