Si Wally O. Adeyemo, Deputy National Security Advisor for International Economics ng Amerika.
Ayon sa China News Service, kaugnay ng gaganaping G20 Summit sa Hangzhou, Tsina, ipinahayag Miyerkules, Hulyo 20, 2016, ni Wally O. Adeyemo, Deputy National Security Advisor for International Economics affairs ng White House, ang kahandaang palawakin ang kooperasyong Amerikano-Sino, at magsikap, kasama ng Tsina at iba pang mga bansa para mapasulong ang paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Winika ito ni Adeyemo sa kanyang pagdalo sa simposyum na itinaguyod nang araw ring iyon ng Sentro ng Pananaliksik sa Estratehiya at Isyung Pandaigdig ng Estados Unidos. Sinabi niya na dadalo sa naturang summit si Pangulong Barack Obama. Ang layon nito aniya ay pasulungin kasama ng Tsina at iba pang mga bansa, ang paglaki ng kabuhayang pandaigdig, at ang mas mainam na pagpapatakbo ng pandaigdigang sistemang pangkabuhayan.
Idinagdag pa niya na may malawak na diyalogo ang Amerika at Tsina sa mga larangang gaya ng isyu ng pag-unlad, pagbabago ng klima, at enerhiya. Nitong ilang taong nakalipas, natamo ng naturang diyalogo ang malaking progreso, at napakahalaga ng "pagpapatuloy ng ganitong diyalogo," aniya pa.
Salin: Li Feng