Sa Vientiane, Laos (Xinhua) — Sa kanyang pagdalo sa Ika-6 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Summit ng Silangang Asya, ipinahayag Martes, Hulyo 26, 2016, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na ipinalalagay ng panig Tsino na dapat mainam na hawakan ang ilang prinsipyo para maigarantiya ang maalwan at matatag na pag-unlad ng summit sa hinaharap.
Ani Wang, ang naturang mga prinsipyo ay: Una, dapat igiit ang nakatakdang direksyon ng pag-unlad ng summit. Dapat aniyang igiit ang namumunong papel ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Summit ng Silangang Asya, at dapat ding igiit ang pagsasanggunian para walang humpay na mapasulong ang kanilang kooperasyon sa mga mahalagang larangan. Ikalawa, dapat ipokus ang pag-unlad at kooperasyon. Aniya, sa pangkalahatang kalagayang pangkabuhayan sa daigdig, ang pag-unlad ay unibersal na ikinababahala ng mga bansa sa rehiyong ito. Ikatlo, dapat magtulungan ang mga bansa sa rehiyong ito para harapin ang hamong panseguridad mula di-tradisyonal na larangan. Sa kasalukuyan, tumataas nang tumataas ang hamong panseguridad mula di-tradisyonal na larangan sa rehiyong ito na gaya ng terorismo, at ito aniya ay nagiging unibersal na hamong kinakaharap ng mga bansa sa rehiyon. Ikaapat, dapat pabutihin ang balangkas ng seguridad. Nakahanda aniya ang panig Tsino na palakasin ang diyalogo at pakikipagpalitan sa iba't-ibang panig para makapagbigay ng ambag sa pagpapabuti ng balangkas ng seguridad sa rehiyong ito, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng