Sa Guiyang, kabisera ng lalawigang Guizhou, Tsina-Nakipag-usap sa magkakahiwalay na okasyon, noong Hulyo 31, 2016 si Pangalawang Premyer Liu Yandong ng Tsina sa kanyang Cambodian at Thai counterpart na sina Sok An at Prajin Juntong. Ang dalawang opisyal ay dumadalo sa ika-9 na Education Week ng Tsina at ASEAN sa Guiyang, na binuksan Lunes, Agosto 1, 2016.
Sa pakikipag-usap kay Sok An, ipinahayag ni Liu Yandong na nananatiling mainam ang kasalukuyang pagtutulungan ng Tsina at Kambodya. Positibo aniya ang Tsina sa suportang ibinibigay ng Kambodya sa isyu ng South China Sea at Taiwan. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Kambodya para totohanang tupdin ang komong palagay na narating ng mga liderato ng dalawang bansa, at komprehensibong palalimin ang pragmatikong pagtutulungan sa ibat-ibang larangan. Umaasa aniya siyang ibayong palalawakin ang pagpapalitan ng tauhan at papalakasin ang mapagkaibigang damdamin ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Sa pakikipag-usap kay Prajin Juntong, ipinahayag ni Liu na magkapatid ang mga mamamayang Tsino at Thai. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Thailand para pahigpitin ang pag-uugnay sa kani-kanilang pambansang estratehiyang pangkaunlaran, pasulungin ang pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, at palakasin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman nina Sok An at Prajin Juntong ang pasasalamat sa preparasyon ng Tsina para sa nasabing pagtitipon. Anila, nakahanda ang Kambodya at Thailand na magsikap, kasama ng Tsina para pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnertship na Sino-Kambodyano at Sino-Thai. Magsisikap anila sila, kasama ng Tsina para ibayong pasulungin ang pagtutulungan ng Tsina at ASEAN.