|
||||||||
|
||
NILIWANAG ni Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. na ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay abala sa pakikidigma sa droga, isang mahalaga at isang pambansang isyu ayon sa itinatadhana ng batas at paggalang sa karapatang pangtao kaya't nanawagan sa civil rights organizations na maglahad ng mga ebidensya hinggil sa extrajudicial killings.
Nagpatawag si Secretary Yasay na isang press briefing bilang tugon sa pinagsanib na pahayag ng Special Rapporteur for Extrajudicial, Summary and Arbitrary Executions at Special Rapporteur for the Right to Health hinggil sa nagaganap na kampanya laban sa illegal drugs.
Ayon kay Secretary Yasay, ang Philippine National Police, sa kautusan na rin ng pangulo, ay patuloy na nagsisiyasat sa bawat ulat at nagbabala ng madaliang paglilitis sa mga mapapatunayang lumalabag sa batas.
Ang special rapporteurs na marahil ay kumuha ng kanilang pahayag ayon sa media reports sa paniniwalang ang mga pahayag na ito ay totoo. Wala umanong intensyon ang pamahalaan na pawalang-saysay ang media reports subalit ang mga rapporteur ay may pananagutang magtanong at mayroong mga nararapat tupding pamamaraan upang gumawa ng pagsisiyasat.
Ang media reports ay hindi maglalaman ng prima facie evidence kaya't lumalabas na ireponsable sila na umasa sa mga paratang ayon sa mga impormasyong mula sa mga hindi pinangalanang pinag-ugatan ng balita. Hindi sila kumikilos ayon sa mga paraan at pakikipagtulungan sa mga bansang kasapi sa United Nations.
Marapat lamang maging maliwanag na ang mga special rapporteur ay independent human experts at kumikilos sa kanilang personal na kapasidad.
Hindi naman minamasama ng pamahalaan ang kanilang karapatang maglingkod subalit hindi rin marapat na akusahan ang bansa at mga mamamayan na magpatupad ng mga kaukulang programang lulutas sa mga kinakaharap na suliranin.
Nauunawaan umano niya ang katayuan at pagkasiphayo ni Pangulong Duterte sa mga ginawa ng special rapporteur na basta na lamang magsasabing ang mga drug-related killings ay gawa ng mga alagad ng batas. Makatitiyak umano ang kanyang tanggapan na mananatili ang Pilipinas sa United Nations, na kinabilangan ng Pilipinas bilang isang founding member at sa mga layunin at adhikain ng pandaigdigang samahan. Nananawagan si G. Yasay sa international community na suportahan ang Pilipinas, hindi sa pamamagitan lamang ng mga pahayag kungdi sa pagtulong sa pagpapaunlad ng uri ng buhay ng mga komunidad at mga pamilya upang matiyak ang magandang kinabukasan para sa kanilang mga supling.
Ang paglutas ni G. Duterte sa problemang dulot ng droga ay isang paraan upang masugpo ang mga paglabag sa karapatan ng bawat mamamahan na mamuhay ng payapa ng walang mga sindikato ng droga at ang pagtiyak na magkakaroon ng isang bansang walang bawal na gamot.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |