|
||||||||
|
||
Bilang pagdiriwang sa ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng dialogue partnership ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon, idinaos kamakailan sa Thailand ang forum para lagumin ang mga natamong bunga at panabikan ang hinaharap ng dalawang panig. Kalahok sa forum ang mga kinatawan mula sa iba't ibang sektor ng ASEAN at Tsina.
Sinabi ni Wu Zhiwu, Charge' de Affaires ng Pasuguan ng Tsina sa Thailand na kahanga-hanga ang mga natamong bunga ng Tsina at ASEAN sa larangan ng edukasyon at kultura, lalong lalo na ng kabuhaya't kalakalan. Idinagdag pa niyang sa kasalukuyan, ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking trade partner ng ASEAN at ang ASEAN ay nagsisilbi namang ikatlong pinakamalaking trade partner ng Tsina.
Ipinahayag naman ni Tej Bunnag, dating Ministrong Panlabas ng Thailand ang kanyang pananabik sa pagkakataon ng pagtutulungan na idudulot ng konektibidad ng imprastruktura sa pagitan ng ASEAN at Tsina. Ipinahayag niyang binabalangkas ng ASEAN ang plano ng konektibidad mula 2020 hanggang 2025 at ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) na itinatag ng Tsina ay maaaring magbigay-tulong sa ASEAN para maisakatuparan ang nasabing plano.
Sinabi naman ni Dato Abdul Majid Bin Ahmad Khan, Presidente ng Samahang Pangkaibigan ng Malaysia at Tsina na sa kabila ng iilang alitang pampulitika at panseguridad, nananatiling mainam ang pagpapalitang pangkultura at panlipunan at malakas ang pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan sa pagitan ng Tsina at ASEAN. Dahil dito, kailangan aniyang nakatuon ang ASEAN at Tsina sa pagpapalalim ng pagtutulungan.
Ang nasabing forum ay nasa pagtataguyod ng Bangkok Bank ng Thailand.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |