Sa kanyang pakikipagtagpo kay Joachim von Amsberg, Pangalawang Presidente ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) sa Phnom Penh, ipinahayag ni Aun Porn Moniroth, Ministro ng Pananalapi ng Kambodya, na umaasa ang kanyang pamahalaan na pabibilisin ng AIIB ang pagsusuri at pag-aaproba sa pagpapautang sa mga pinaka-di-maunlad na bansa na gaya ng Kambodya. Umaasa rin siyang magkakaloob ang AIIB ng preperensyal na interest rate ng pautang at tulong na teknikal sa pagpapataas ng kakayahan at pagkatig sa Public-Private Partnership (PPP), para mapasulong ang pag-unlad ng imprastruktura ng nasabing mga bansa.
Ipinahayag naman ni Amsberg na bukod sa mga proyekto ng imprastruktura, pinag-uukulan ng pansin ng AIIB ang pag-unlad ng ibang larangan ng Asya na gaya ng enerhiya, koryente, transportasyon, telekomunikasyon, imprastruktura ng kanayunan at pag-unlad ng agrikultura, suplay at kalusugan ng tubig, pangangalaga sa kapaligiran, pag-unlad at logistics ng lunsod at iba pa.
Salin: Vera