Binuksan ngayong araw, Huwebes, Setyembre 1 2016, sa Hangzhou, Tsina, ang ika-4 na pulong ng mga koordinador ng G20 Summit 2016. Ito ang huling pulong ng mga koordinador bago ang summit na ito.
Ang nukleong misyon ng pulong na ito ay pagtalakay hinggil sa komunike ng mga lider, pinakamahalagang bunga ng G20 Hangzhou Summit, para isumite sa summit ang dokumentong ito, batay sa pagkakasundo ng iba't ibang panig.
Sinabi ni Li Baodong, koordinador na Tsino at Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa kasalukuyang masusing panahon ng Hangzhou Summit, kailangang patuloy na palakasin ng iba't ibang panig ang kooperasyon, para pasulungin ang pagtamo ng bunga ng summit na ito, at bigyan ng bagong sigla ang kabuhayang pandaigdig.
Hinahangaan naman ng iba't ibang panig ang paghahanda ng Tsina para sa Hangzhou Summit. Nananalig anila silang sa pagtataguyod ng Tsina, magiging matagumpay ang summit na ito.
Salin: Liu Kai