Binuksan ngayong hapon, Linggo, ika-4 ng Setyembre 2016, sa Hangzhou, Tsina, ang G20 Summit.
Nangulo sa summit si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kasalukuyang bansang tagapangulo ng G20.
Sa kanyang talumpati ng pagbubukas, tinukoy ni Xi, na kinakaharap ngayon ng kabuhayang pandaigdig ang maraming hamon, na gaya ng mahinang lakas sa paglaki, maliit na pangangailangan, ligalig na pamilihang pinansyal, at di-matatag na kalakalang pandaigdig. Bilang tugon sa mga hamon, inilahad niya ang limang paninindigan na kinabibilangan ng pagpapalakas ng pagkokoordina sa patakaran ng makro-ekonomiya, pagsasagawa ng inobasyon sa pamamaraan ng pag-unlad, pagpapabuti ng pandaigdig na pangangasiwa sa kabuhayan, pagpapasulong ng bukas na kabuhayan, at pagpapatupad ng 2030 Agenda for Sustainable Development.
Sinabi rin ni Xi, na sa hinaharap, dapat lubos na pakinggan ng G20 ang tinig ng iba't ibang bansa ng daigdig, lalung-lalo na ng mga umuunlad na bansa, at isagawa ang mga aktuwal na aksyon, para ipatupad ang mga ginawang plano sa mga aspekto ng sustenableng pag-unlad, green financing, paglaban sa korupsyon, at iba pa.
Tatagal nang 2 araw ang summit na may temang "Towards an Innovative, Invigorated, Interconnected and Inclusive World Economy." Kalahok dito ang mga lider ng mga kasaping bansa ng G20, mga bansang panauhin, at mga namamahalang tauhan ng mga may kinalamang organisasyong pandaigdig.
Salin: Liu Kai