Kaugnay ng pagdaraos sa Vientiane, Laos, ng Ika-19 na Summit ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at Summit bilang Paggunita sa Ika-25 Anibersaryo ng Relasyong Pandiyalogo ng Tsina at ASEAN, ipinahayag kamakailan ng ilang dalubhasa ng mga bansang ASEAN, na ang mga pulong na ito ay magpapasulong sa relasyon at kooperasyon ng Tsina at ASEAN.
Sinabi ni Kitti Prasirtsuk, Direktor ng Institute of East Asian Studies ng Thammasat University ng Thailand, na sa kasalukuyan, mainam ang relasyong Sino-ASEAN, mabunga ang kooperasyon sa mga aspekto ng kalakalan, pamumuhunan, at turismo, at nagbukas din sila ng ilang bagong aspektong pangkooperasyon na gaya ng daambakal. Anila, sa ilalim ng tema ng pagtutulungan at pag-unlad, ibayo pang pasusulungin ng naturang mga summit ang rehiyonal na pagpapalitan at pagtutulungan ng Tsina at ASEAN.
Ipinalalagay naman ni Roy Anthony Rogers, Direktor ng Department of International and Strategic Studies ng University of Malaya, na sa relasyong Sino-ASEAN sa hinaharap, ang pagkakataon ay mas marami kaysa hamon. Sinabi niyang, ang lumalawak na kooperasyon ng Tsina at ASEAN, lalung-lalo na sa loob ng balangkas ng "Belt and Road" Initiative at Asian Infrastructure Investment Bank, ay magdudulot ng maraming pagkakataon sa dalawang panig. Sa pamamagitan nito aniya, liliit ang hamon sa kanilang relasyon.
Dadalo si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa naturang mga summit, at dadalaw rin siya sa Laos. Kaugnay nito, sinabi ni Sangkhan Choungkhamphan, Pangalawang Puno ng Pambansang Telebisyon ng Laos, na sa pagdalaw na ito, inaasahang lalagdaan ng dalawang bansa ang mga dokumentong pangkooperasyon, at ibayo pang palalalimin ng mga ito ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng Tsina at Laos.
Salin: Liu Kai