Ngayong taon ay Ika-25 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Dialogue Partnership ng Tsina at ASEAN. Nitong nakalipas na 25 taon, natamo ang malaking bunga ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at itinayo ang mga tsanel para sa pagpapalitang kultural at panlipunan. Sa hinaharap, muli pang itatayo ng dalawang panig ang bagong plataporma para sa pagpapalitang kultural; kabilang dito, ang edukasyon at turismo ay pokus.
Ayon sa datos ng panig Tsino, noong 2015, umabot sa 472 bilyong dolyares ang halaga ng bilateral na kalakalan ng Tsina at ASEAN. Umabot naman sa 23.64 na milyong person-time ang bilang ng pagpapalitan ng mga tauhan, at lampas sa 190,000 estudyate ang nag-aaral bawat panig.
Sa Thailand, sapul nang ilabas ang pelikulang "Lost in Thailand" noong 2012, patuloy na lumaki ang bilang ng mga turistang Tsino taun-taon. Ayon kay Srisuda Wanapinyosak, Pangalawang Direktor ng Tourism Authority of Thailand, ang malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Thai ay nakakabuti sa turismo. Aniya pa, sa taong ito, tinatayang lalampas sa 10 milyong person-time ang bilang ng mga turistang Tsino sa Thailand.
Samantala, dumarami ang mga Tsino na nag-aaral at nagpapalawak ng negosyo sa Thailand. Ayon kay Chinda Tejavanija Chang, Pangalawang Prinsipal ng Sripatum University, na sa kasalukuyan, 500 estudyanteng Tsino ang nag-aaral sa kanyang unibersidad, at lalaki pa ang bilang na ito sa bagong semester. Aniya pa, ang madalas na pagpapalitan ng Tsina at Thailand ay lumikha ng mas maraming pagkakataon ng pag-aaral at hanap-buhay para sa mga estudyanteng Tsino.
Salin: Andrea