Nang kapanayamin kamakailan ng Chinese media, sinabi ni Simon Tay, Tagapangulo ng Singapore Institute of International Affairs, na maaring magbukas ng bagong aspektong pangkooperasyon ang Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), para ibayo pang palalimin ang kanilang relasyon.
Sinabi ni Tay, na nitong mga taong nakalipas, mabilis na lumalaki ang kalakalan ng ASEAN at Tsina, at ang Tsina ay nananatiling pinakamalaking trade partner ng ASEAN sa loob ng ilang taon. Pero aniya, ang kalakalan ay hindi ang lahat sa kooperasyong Sino-ASEAN, at malaki pa ang espasyo ng kanilang kooperasyon, gaya ng sa sektor ng serbisyo.
Ipinalalagay din ni Tay, na sa pamamagitan ng "Belt and Road" initiative, Asian Infrastructure Investment Bank, at iba pang hakbangin, nagsisikap ang Tsina, kasama ng ASEAN, para magbukas ng bagong aspektong pangkooperasyon. Ito rin aniya ay makakatulong sa ibayo pang pag-unlad ng relasyon ng dalawang panig sa mas magandang direksyon.
Salin: Liu Kai