Kaugnay ng mga pahayag ni Perfecto Yasay Jr., Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, hinggil sa bilateral na diyalogo ng Pilipinas at Tsina, sa panahon ng kanyang pagdalaw sa Amerika, ipinahayag ngayong araw, Martes, ika-20 ng Setyembre 2016, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pag-asang ipapakita ng Pilipinas ang katapatan sa isyung ito.
Sinabi ni Lu, na malinaw ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng South China Sea arbitration, samantalang, iginigiit din nito ang posisyon hinggil sa mapayapang paglutas sa hidwaan sa pamamagitan ng pagsasanggunian at talastasan.
Dagdag ni Lu, bukas ang pinto para sa bilateral na diyalogo ng Tsina at Pilipinas, at umaasa ang panig Tsino, na ipapakita ng panig Pilipino ang katapatan sa pagsasagawa ng diyalogo. Aniya pa, batay sa paggalang sa isa't isa at pagtitiwalaan, dapat magkasamang magsikap ang Tsina at Pilipinas, para maayos na hawakan ang hidwaan, at pasulungin ang pagbalik ng relasyon ng dalawang bansa sa landas ng malusog na pag-unlad.
Salin: Liu Kai