Ipinahayag Oktubre 12, 2016 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, dadalaw sa Tsina si Pangulong Rodrigo Duterte, mula Oktubre 18-21, 2016.
Sinabi ni Geng na magpapalitan ng kuru-kuro ang dalawang pangulo hinggil sa pagpapabuti ng bilateral na relasyon ng Tsina at Pilipinas, pagpapalalim ng pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan.
Samantala, makikipag-usap din aniya kay Pangulong Duterte sina Premyer Li Keqiang at Tagapangulong Zhang Dejiang ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina(NPC). Umaasa aniya ang Tsina na sa pamamagitan ng biyaheng ito ni Pangulong Duterte, mapapalakas ng Tsina at Pilipinas ang pagtitiwalaang pampulitika, at mapapalalim ang pragmatikong pagtutulungan. Ito aniya'y makakatulong sa pagpapatuloy ng tradisyonal na pagkakaibigan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, at maayos na paglutas sa mga pagkakaiba ng palagay, para maibalik sa malusog na landas ang estratehikong pagtutulungang pangkapayapaan at pangkaunlaran ng dalawang bansa.
Binigyang-diin pa ni Geng na lubusang pinahahalagahan ng Tsina ang pakikipagtulungan sa Pilipinas. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Pilipinas para pasulungin ang malusog at matatag na relasyong Sino-Pilipino, para bigyan ng ginhawa ang dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.