Sa paanyaya ni Li Keqiang, Premyer ng Tsina, sisimulan ni Najib Tun Razak, Punong Ministro ng Malaysia ang opisyal na pagdalaw sa Tsina mula ika-31 ng Oktubre. Bago lumisan, ipinahayag ni Razak sa Kuala Lumpur na ang Tsina ay tunay na kaibigan at estratehikong partner ng Malaysia.
Ipinahayag ni Razak na ang relasyon ng Malaysia at Tsina ay batay sa pagtitiwalaan, katapatan at paggagalangan. Ang pagkakaibigan aniya ng dalawang bansa ay hindi lamang nakakabuti sa mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi nakakatulong din sa kapayapaan at katatagan ng buong rehiyon. Umaasa aniya siyang, ang pagdalaw na ito ay ibayo pang magpapasulong sa kalakalan at magpapahigpit sa kooperasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag din niya, na ang kooperasyong militar ng dalawang bansa ay mahigpit at umabot na sa isang bagong lebel. Noong Setyembre 2015, idinaos ang kauna-unahang pagsasanay-militar ng mga hukbo ng Tsina at Malaysia. Hinggil naman sa "Belt and Road" Initiative, sinabi ni Razak na ito ay hindi lamang makakabuti sa Malaysia at Tsina, kundi may malalim na katuturan para sa iba't ibang bansa.
salin:wle