|
||||||||
|
||
MALAMANG na managot sa batas ang mga pulis na nasangkot sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Ito ang lumabas sa pagsisiyasat ng Senado sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa Eastern Samar na hindi nakapagpaliwanag kung bakit tinawagan na nila ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives bago pa man nila sinalakay ang seldang kinalalagyan ng punongbayan sa Baybay sub-provincial jail bago nagmadaling-araw noong Sabado.
Sinabi ni Senador Panfilo Lacson sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na humiling na ang mga tauhan ng CIDG ng mga tauhan ng SOCO sa ganap na alas tres cuarenta y nueve ng umaga bago pa man makapasok sa piitan ang mga pulis pagsapit ng ika-apat at kalahati ng umaga.
Ipinagtanong ni Senador Lacson kung bakit hindi pa nakakapasok sa piitan ay may hiniling nang tauhan ng SOCO. Umaasa raw ba ang mga pulis na may papatayin sila kaya't kailangan na ang SOCO operatives.
Ayon kay CIDG Region 8 Chief Supt. Marvin Marcos, hindi niya batid ang paghingi ng tulong sa SOCO sapagkat ang tumawag ay isang Supt. Santi Noel Matira.
Hindi raw matiyak ni Matira kung anong oras siya tumawag sa SOCO subalit natitiyak niyang tumawag siya. Inihalimbawa ni Senador Lacson ang ginawa ng pulis sa pagtawag sa punerarya samantalang wala pang sagupaang nagaganap.
Ipinagtanong din ni Senador Drilon kung paano nagkaroon ng putukan pagsapit ng alas tres cuarenta y nueve ng umaga samantalang nakapasok lamang ang mga pulis sa piitan sa ganap na ika-apat at kalahati ng umaga.
Sa tanong ni Senador Drilon kung umaasa ba ang pulis na may mamamatay o mababaril, sumagot si Supt. Matira na wala silang inaasahang anuman.
Nabanggit tuloy ni Senador Lacson na lumalabas na pinagplanuhan ang pagpaslang sa mga biktima. Sumang-ayon naman si Senador Richard Gordon sa pahayag ni Senador Lacson.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |