Ayon sa Beijing Aerospace Control Center (BACC), alas-13:59 ng Biyernes, Nobyembre 18, 2016, matagumpay na bumaba sa lupa ng nakatakdang purok sa kalagitnaan ng Inner Mongolia Autonomous Region, ang return capsule ng Shenzhou-11 spacecraft. Mainam ang kalagayan ng katawan ng dalawang astronauts na sina Jing Haipeng at Chen Dong. Sa ngayon, natamo ng Shenzhou-11 mission ang kasiya-siyang tagumpay.
Noong Oktubre 17, 2016, inilunsad ang Shenzhou-11 spacecraft sa Jiuquan Satellite Launching Center. Pagkatapos nito'y nag-dock ito sa Tiangong-2 space lab at pumasok ang nasabing dalawang astronauts. Sa kanilang 30 araw na pananatili sa kalawakan, nagawa at natapos nila ang serye ng siyentipikong pag-aaral at pag-subok na teknikal.
Salin: Li Feng