Idinaos kamakailan sa Hanoi, Biyetnam, ang symposium hinggil sa mga isyu ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), bilang paghahanda para sa mga pulong ng organisasyong ito, na idaraos sa Biyetnam sa susunod na taon.
Sa symposium, tinukoy ni Pham Binh Minh, Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Biyetnam, na sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, dapat magtulungan ang mga kasapi ng APEC, para lutasin ang mga isyung dulot ng mabilis, masalimuot, at di-inaasahang pagbabago sa kabuhayang pandaigdig.
Sinabi rin niyang sa susunod na taon, apat ang mga pangunahing isyung dapat bigyang-pansin ng APEC. Una, ipagpapatuloy ang mga natamong bunga sa pagpapasulong ng sustenable, inobatibo, at inklusibong paglaki. Ikalawa, ibayo pang pasusulungin ang interkonektibidad sa rehiyon. Ikatlo, palalakasin ang pagbibigay-tulong sa mga maliit at katamtamang laking bahay-kalakal. At ikaapat, palalakasin ang food security.
Salin: Liu Kai