|
||||||||
|
||
Pagkakaroon ng pagbabago sa pagsasaka, kailangan
PAGSASAKA ANG SUSI SA KAUNLARAN. Kailangang magkaroon ng patubig para sa 1.3 milyong ektaryang matatamnan ng palay. Ito ang paniniwala ni Dr. William Dar, isa sa Outstanding Filipino awardees para sa taong 2016. Dating Agriculture Secretary si Dr. Dar na nagsabing kung libre ang patubig, tiyak na madaragadan ang kita ng mga magsasaka. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA naman si dating Agriculture Secretary William Dar na kailangang pag-aralan ng mga magsasaka ang pagtatanim ng ibang mga pananim sa kanilang sakahan matapos umani ng palay.
Bagama't walang masama sa pagtatanim ng palay, sinabi rin G. Dar na hamak na mas malaki ang kita ng mga magsasaka sa Region 1 o Ilocos Region kaysa mga magsasaka sa Nueva Ecija na nakatuon lamang ang pansin sa pagtatanim na palay.
Ipinaliwanag ni Dr. Dar na nagtatanim ang mga Ilocanong magsasaka ng mga gulay at prutas sa oras na matapos umani ng palay kaya't nadaragdagan ang kanilang kita.
Mas maganda rin kung itutuloy ng pamahalaan ang pagbibigay ng pribiliheyo sa mga magsasaka na huwag ng magbayad ng irrigation fees sapagkat malaking problema pa ito.
Ani Dr. Dar, kung gumagasta ang mga magsasakang Filipino ng P11 hanggang 12 sa bawat kilo ng palay, umaabot lamang sa walo hanggang siyam na piso ang gastos ng mga magsasaka sa Thailand samantalang anim na piso lamang ang gastos ng mga magsasaka sa Vietnam.
Kung nagtatagumpay ang mga sakahan sa Tsina, ito ay dahilan sa pagsasama-sama ng mga magkakatabing lupain at madaragdagan ang kita sa pamamagitan ng pagiging kawani ng malalaking sakahan.
Lalabas na 'di pa handa ang Pilipinas para sa ASEAN economic integration sapagkat may pananaw ang iba't ibang bansa na isang malaking bansa ng mga mamimili ang mga Filipino sa halip na kilalanin bilang pagkukunan ng mga paninda.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |