Pinagtibay kahapon, Miyerkules, ika-21 ng Disyembre 2016, ng United Nations General Assembly (UNGA), ang resolusyon hinggil sa pagbuo ng pandaigdig, makatarungan, at nagsasariling mekanismo, para akusahan ng krimen ng digmaan ang mga aksyon ng iba't ibang nagsasagupaang panig sa digmaan ng Syria. Pero, bumoto ng pagtutol sa resolusyong ito ang ilang bansang kinabibilangan ng Syria, Rusya, Tsina, at iba pa.
Ipinahayag ng mga pirmihang kintawan ng Syria at Rusya sa UN, na batay sa ika-12 artikulo ng UN Charter, walang hurisdiksyon ang UNGA sa pagbuo ng naturang mekanismo, dahil ito ay tungkulin lamang ng UN Security Council. Dagdag nila, ang pagpapatibay ng nabanggit na resolusyon ay para gawing lehitimo ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng isang bansa.
Ipinalalagay naman ng pangalawang pirmihang kinatawan ng Tsina sa UN, na pagdating sa pagparusa sa krimen ng digmaan sa Syria, dapat gawing paunang kondisyon ang paggalang sa soberanya ng bansang ito, at isagawa ang mga aksyon batay sa pagsang-ayon nito. Dagdag niya, ipinatalastas na ng espesyal na sugo ng UN na panunumbalikin sa Pebrero ng susunod na taon ang talastasan hinggil sa isyu ng Syria, at sa ilalim ng kalagayang ito, ang anumang aksyon ng komunidad ng daigdig ay dapat makabuti sa pulitikal na solusyon sa isyung ito, at iwasan ang pagsasalimuot ng isyu.
Salin: Liu Kai