Naganap kahapon ng madaling araw, Linggo, January 1st 2017, ang pamamaril sa isang nightclub sa Istanbul, Turkey. Ikinamatay ng 39 na katao ang insidenteng ito, na itinuturing ng pamahalaan ng Turkey na teroristikong atake.
Ayon naman sa Turkish media, kabilang sa mga nasawi ay 20 dayuhan na galing sa 9 na bansa, na gaya ng Saudi Arabia, Iraq, Indya, Tunisia, Syria, Israel, Lebanon, Kuwait, at Kanada. Ipinalalagay ng media, na ang pagdudulot ng insidenteng ito ng malaking kasuwalti ng mga dayuhan ay grabeng makakaapekto sa turismo ng Turkey.
Nang araw ring iyon, ipinalabas ng United Nations Security Council (UNSC) ang pahayag bilang pakikiramay sa pamahalaan ng Turkey at mga kamag-anakan ng mga nasawi ng naturang insidente. Binigyang-diin ng UNSC, na dapat iharap sa batas ang mga maykagagawan, pasimuno, at sumuporta sa naturang teroristikong aksyon. Hinimok din nito ang iba't ibang bansa na makipagtulungan sa Turkey sa aspektong ito.
Salin: Liu Kai