Itinuturing ng Rusya na teroristikong pag-atake ang pagpatay sa embahador ng bansang ito sa Turkey.
Ipinahayag kahapon, Martes, ika-20 ng Disyembre 2016, ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, na isinasagawa ngayon ng iba't ibang may kinalamang panig ang lubos na imbestigasyon sa background at konkretong impormasyon ng naturang pag-atake.
Sinabi naman ni Vyacheslav Volodin, Ispiker ng State Duma ng Rusya, na nitong ilang buwang nakalipas, sa ilalim ng kooperasyon ng Rusya at ilang katuwang na bansa, naging matagumpay ang paglaban sa mga terorista sa Syria. Ang kalagayang ito aniya ay ayaw makita ng mga teroristikong organisasyon at kanilang mga tagasunod, kaya isinagawa nila ang naturang pag-atake, para humadlang sa pagpapanumbalik ng prosesong pangkapayapaan sa Syria.
Nang araw ring iyon, sinabi naman ni Pangulong Recep Tayyip Erdogan ng Turkey, na hindi mapuputol, dahil sa naturang insidente, ang kooperasyon ng Turkey at Rusya sa isyu ng Syria. Aniya pa, sinimulan na ng magkasamang grupong tagapagsiyasat ng dalawang bansa ang komprehensibong imbestigasyon sa insidenteng ito.
Salin: Liu Kai