Binaril at pinatay nitong Lunes ng gabi, ika-19 ng Disyembre 2016, sa Ankara, kabisera ng Turkey, ang Embahador ng Rusya sa bansang ito, na si Andrey Karlov.
Noong naganap ang insidente, lumahok si Karlov sa seremonya ng pagbubukas ng isang art exhibition. Binaril siya, at namatay pagkaraang dalhin sa ospital.
Ayon sa imbestigasyon, ang maykagagawan ng insidenteng ito ay si Mevlut Altintas, 22-taong gulang na pulis ng Turkey, at napatay siya ng Turkish Special Forces na rumisponde sa insidente. Bago barilin ang embahador na Ruso, sumigaw si Altintas ng pananalita hinggil sa Aleppo, lunsod ng Syria, kung saan nakikipagtulungan ang Rusya sa pamahalaan ng Syria sa pakikibaka sa mga rebelde.
Pagkaraang maganap ang insidente, ipinahayag ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ang pakikiramay sa mga kamag-anakan ni Karlov. Tinukoy din niyang ito ay isang teroristikong insidente na naglalayong humadlang sa normalisasyon ng relasyon ng Rusya at Turkey, at makakapinsala sa prosesong pangkapayapaan ng Syria, kung saan ginagawa ng Rusya, Turkey, Iran, at mga iba pang panig ang malaking pagsisikap.
Kinondena naman ng United Nations Security Council at ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN ang naturang insidente. Inulit din nila ang saligang prinsipyo ng di-paglapastangan sa mga diplomata.
Salin: Liu Kai