Ipinatalastas Huwebes, ika-12 ng Enero, 2017, ni Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos, na upang mapasulong ang proseso ng normalisasyon ng bilateral na relasyon ng Amerika at Cuba, itinigil na ng Amerika ang preperensyal na patakaran sa pandarayuhan ng mga Cuban sa Amerika.
Ayon sa pahayag na inilabas nang araw ring iyon ni Obama, itinigil na ng Department of Homeland Security ng Amerika ang 'Wet Foot, Dry Foot' Policy na mahigit 20 taong umiral. Ayon pa sa pahayag, ibabalik, tulad ng mga mamamayan ng ibang bansa, ang sinumang Cuban na magtatangkang ilegal na papasok sa Amerika at hindi angkop sa pasubali ng humanitarian relief. Ani Obama, sinang-ayunan na ng pamahalaan ng Cuba na tanggapin ang mga ibabalik na Cuban ng panig Amerikano.
Ang 'Wet Foot, Dry Foot' Policy ay tumutukoy sa patakarang hindi tatanggapin ng Amerika ang mga Cuban na nasabat sa dagat, pero tatanggapin nito ang mga Cuban na matagumpay na pumasok sa teritoryo ng Amerika. Ang patakarang ito ay laging isa sa mga pangunahing hadlang sa normalisasyon ng relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Vera