Nag-usap kahapon, Lunes, ika-16 ng Enero 2017, sa Bern, Switzerland, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Doris Leuthard ng Switzerland.
Binigyan ng dalawang pangulo ng positibong pagtasa ang relasyong Sino-Swiss. Sinang-ayunan nilang itaguyod ang ideya ng pagbubukas at pagiging inklusibo, igiit ang kooperasyong may win-win situation, at palalimin ang pagtutulungan sa iba't ibang aspekto, para isakatuparan ang ibayo pang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Sinang-ayunan ng dalawang pangulo, na palakasin ang pag-uugnayan ng "Made in China 2025" at Industry 4.0 strategies ng Switzerland, at pasulungin ang kooperasyon sa ilalim ng "Belt and Road" Initiative.
Ipinahayag din nila ang pagtutol sa trade protectionism, at binigyang-diin ang pangangalaga sa bukas at inklusibong sistemang pangkalakalan ng daigdig.
Pagkaraan ng pag-uusap, sinaksihan din nina Xi at Leuthard ang paglalagda sa mga dokumentong pangkooperasyon ng Tsina at Switzerland.
Salin: Liu Kai