Bago ang kanyang biyahe sa Switzerland, ipinalabas ngayong araw, Biyernes, ika-13 ng Enero 2017, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang artikulo sa pahayagang Neue Zürcher Zeitung ng naturang bansa.
Sinabi ni Xi, na mahaba ang kasaysayan ng pagpapalagayan at pagtutulungan ng Tsina at Switzerland. Aniya, sa kasalukuyang kalagayan, ang pagtutulungan ng dalawang bansa ay magdudulot ng benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan, magpapasulong sa relasyong Sino-Europeo, at magbibigay ng ambag sa pag-unlad ng relasyong pandaigdig, pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, at liberalisasyon ng kalakalan. Umaasa si Xi, na sa pamamagitan ng kanyang pagdalaw sa Switzerland, mapapalalim ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa, mapapalakas ang pagpapalitan ng kani-kanilang mga mamamayan, at mapapabuti ang malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at Switzerland.
Kaugnay naman ng kanyang pagdalo sa taunang pulong ng World Economic Forum, sinabi ni Xi, na ang Tsina ay patuloy na magiging malaking pamilihan, para magbigay ng pagkakataon sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig, at tumanggap ng pamumuhunan ng iba't ibang bansa. Ito aniya ay para dagdagan ang komong interes ng buong daigdig.
Salin: Liu Kai