Sa news briefing pagkaraan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Foreign Ministers' Retreat, na idinaos kahapon, Martes, ika-21 ng Pebrero 2017, sa Boracay, sinabi ni Perfecto Yasay, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, na binigyang-diin ng mga kalahok na dapat komprehensibo at mabisang ipatupad ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Umaasa rin aniya ang mga bansang ASEAN, na bubuuin, kasama ng Tsina, sa kalagitnaan ng taong ito, ang balangkas ng kasunduan sa Code of Conduct in the South China Sea (COC), bilang paghahanda sa paggawa ng dokumentong ito sa bandang huli.
Ipinahayag din ni Yasay, na ipinalalagay ng Pilipinas, na sa kasalukuyan, dapat isang-tabi muna ang resulta ng South China Sea arbitation, at ang isyu ng karagatang ito ay hindi sumasaklaw sa lahat ng bahagi ng relasyong Pilipino-Sino. Binigyang-diin niyang dapat itampok ng Pilipinas at Tsina ang kanilang mga komong interes, at gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng pakinabang sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Kaugnay naman ng iba pang nilalaman ng nabanggit na pulong, sinabi ni Yasay, na tinalakay din ng mga kalahok na opisyal ang hinggil sa pagpapasulong ng ASEAN Community, at mga paksang may kinalaman sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyong ito.
Salin: Liu Kai