Ipinatalastas kahapon, Miyerkules, ika-22 ng Pebrero 2017, sa Geneva, ni Direktor Heneral Roberto Azevedo ng World Trade Organization (WTO) ang pormal na pagkakabisa ng Trade Facilitation Agreement. Ito aniya ay pagkaraang aprobahan ng mahigit dalawang katlong kasapi ng WTO ang dokumentong ito.
Pinagtibay ang nabanggit na kasunduan sa pulong na ministeryal ng WTO na idinaos noong Disyembre 2013 sa Bali, Indonesya.
Sinabi ni Azevedo, na ayon sa pagtaya ng WTO, pagkaraang pairalin ang kasunduang ito, mababawasan ng 14.3% ang karaniwang gugulin sa kalakalang pandaigdig, at aabot sa 3.5% ang karaniwang taunang paglaki ng pagluluwas ng mga miyembro ng WTO na kalahok sa kasunduan.
Dagdag pa ni Azevedo, ang pagpapairal ng naturang kasunduan ay magbibigay ng lakas sa multilateral na sistema ng kalakalang pandaigdig. Ipinakikita aniya nito ang kahalagahan ng kalakalan, bilang pagtataguyod sa paghahanapbuhay at paglaki ng kabuhayan ng buong daigdig.