Huwebes, ika-9 ng Marso, 2017, ipinahayag ni Zhou Yijue, Mayor ng Baise City, Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina, na isasagawa ng kanyang lunsod ang malalimang pagpapalitan at pagtutulungan, sa limang aspektong kinabibilangan ng connectivity, kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, pasilitasyon ng puwerto, pagpapalitan ng mga partido sa lokalidad, at pangangasiwa sa hanggahan.
Winika ito ni Zhou sa isang preskon ng delegasyon ng Guangxi sa ika-5 sesyon ng ika-12 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina.
Aniya, pinapabilis ng Baise at Biyetnam ang pagtatatag ng sonang pangkooperasyon ng transnasyonal na pamamalakad, sa Longbang ng Guangxi at Tra Linh ng Biyetnam. Bukod dito, mabuti rin ang kooperasyon ng kapuwa panig sa mga proyekto ng parke ng siyensiya't teknolohiyang agrikultural, base ng pagtatanim ng kamatis at iba pa. Dagdag pa niya, sa susunod na hakbang, walang humpay na pasusulungin ang kooperasyon sa mga aspektong gaya ng paggagalugad ng yaman, production capacity, processing trade, pag-iimbak, lohistika at iba pa.
Salin: Vera