Ipinahayag kamakailan ni Arief Yahya, Ministro ng Turismo ng Indonesia, na kasalukuyan at patuloy na magsisikap ang panig Indones at Embahadang Tsino sa Indonesia upang mapangalagaan ang seguridad at lehitimong karapatan at kapakanan ng mga turistang Tsino sa bansa. Samantala, magpupunyagi aniya ang Indonesia para magkaloob ng mas maginhawa at mainam na serbisyo para sa mga turistang Tsino.
Ayon kay Arief Yahya, ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking bansang pinanggagalingan ng mga dayuhang turista sa bansa. Pinasalamatan aniya ng Indonesia ang laging ginagawang napakalaking pagsisikap ng Tsina para mapasulong ang kooperasyong panturismo ng dalawang bansa. Umaasa siyang mapapalakas ng dalawang panig ang kooperasyon sa mga aspektong gaya ng pagsasanay ng mga Chinese guide, pagsasa-operasyon ng mas maraming direct flight, at pag-akit ng pamumuhunang Tsino.
Salin: Li Feng