|
||||||||
|
||
Nitong Biyernes (local time), Abril 7, 2017, sa Mar-a-Lago, Florida, Amerika — Nagkaroon ng ikalawang pormal na pagtatagpo sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika. Malawakan at malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang lider tungkol sa pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa sa mga pangunahing larangan at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapwa nila pinahahalagahan. Ipinalalagay nila na naging positibo at mabunga ang kanilang pagtatagpo. Nakahanda ang dalawang panig na magkasamang magsikap upang mapalawak ang kanilang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.
Kaugnay ng kalakalan ng dalawang bansa, ipinagdiinan ng pangulong Tsino na nagsisilbing pinakamalaking trade partner ng isa't-isa ang Tsina at Amerika, at nakikinabang nang malaki dito ang mga mamamayan ng dalawang bansa. Aniya, malawak ang prospek ng pagpapalakas ng Tsina at Amerika ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at dapat nila samantalahin ang pagkakataong ito.
Kaugnay ng relasyon ng dalawang hukbo, tinukoy ni Xi na ang relasyon ng dalawang hukbo ay mahalagang bahagi ng relasyong Sino-Amerikano. Sinabi niya na ang pagtitiwalaang militar ay pundasyon ng estratehikong pagtitiwalaan ng dalawang bansa. Dapat aniyang magkasamang magsikap ang dalawang bansa para walang humpay na mapalakas ang pagtitiwalaan at pagtutulungan ng dalawang hukbo.
Kaugnay naman ng kooperasyong Sino-Amerikano sa pagpapatupad ng batas, ipinahayag ni Pangulong Xi ang kahandaan ng panig Tsino na palakasin ang kooperasyong ito para magkasamang mabigyang-dagok ang iba't-ibang porma ng krimeng transnasyonal na gaya ng drug trafficking, cyber crime, money laundering, at organisadong krimen.
Kaugnay ng pagpapalitang pangkultura, sinabi ni Xi na dapat palakasin ng dalawang panig ang pagpapalitang ito. Dapat aniyang palawakin ng Tsina at Amerika ang mapagkaibigang pagpapalagayan ng kanilang mga mamamayan, pasulungin ang kooperasyon sa turismo, palawakin ang pagpapalitan sa larangang pansining, palakasin ang kooperasyong pampalakasan, at palakasin ang kooperasyong medikal at pangkalusugan upang magkaloob ng mas maraming puwersang tagapagpasulong sa sustenable at malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Ipinahayag naman ng pangulong Amerikano na natamo ng pagtatagpo ang mahalaga at malaking bunga. Nakahanda aniya ang panig Amerikano na patuloy na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa panig Tsino sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, at kultura.
Dagdag pa niya, magsisikap ang panig Amerikano upang maalis ang mga elemento at problemang nakakaapekto sa relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |