Beijing, Tsina—Mula noong ika-10 hanggang ika-11 ng Abril, 2017, idinaos dito ang ika-24 na Brazil, South Africa, India at China (BASIC) Ministerial Meeting on Climate Change. Nagpalitan ng kuru-kuro ang mga ministro ng iba't ibang bansa tungkol sa isang serye ng mga mahalagang isyu na gaya ng kinakailangang talastasan hinggil sa "Paris Agreement," pagpapaibayo ng aksyon bago ang taong 2020, panloob na aksyon ng iba't ibang bansa, at pragmatikong kooperasyon. Inilabas din sa pulong ang magkasanib na pahayag. Hinimok ng mga ministro ang lahat ng mga signataryong bansa na katigan, tulad ng dati, ang Paris Agreement, batay sa kapakanan ng buong sangkatauhan at mga susunod na henerasyon.
Binigyang-diin ng pahayag na komprehensibo, mabisa at tuluy-tuloy na ipapatupad ng BASIC ang pinakamataas na pangakong pulitikal ng United Nations Framework Convention on Climate Change, Kyoto Protocol at Paris Agreement.
Sa news briefing pagkatapos ng pulong, isinalaysay ni Xie Zhenhua, Espesyal na Kinatawan ng Tsina sa mga Suliranin ng Pagabago ng Klima, na patuloy na isasagawa ng Tsina ang aksyon para harapin ang pagbabago ng klima. Aniya, sa ika-13 panlimahang taong plano hinggil sa pagpapaunlad ng pambansang kabuhayan at lipunan ng Tsina, ginawang restrictive index ang target sa taong 2020. Nananalig aniya siyang hanggang sa taong 2020, kasiya-siya at higit na maipapatupad ng Tsina ang ginawa nitong pangako.
Ang BASIC ay isang multilateral na mekanismong magkakasamang itinatag ng Tsina, India, Brazil at Timog Aprika. Sapul nang itatag ito noong 2009, nagpatingkad ito ng mahalagang papel sa mga aspektong gaya ng pagpapasulong sa multilateral na proseso ng pagbabago ng klima, at pangangalaga sa pagkakaisa at komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa.
Salin: Vera