Nagpadala ng mensahe kahapon, Biyernes, ika-4 ng Nobyembre 2016, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng United Nations, bilang pagbati sa pagkabisa ng Paris Agreement hinggil sa pagbabago ng klima.
Binigyang-diin ni Xi, na sapul nang marating ang Paris Agreement noong Disyembre, 2015, nagsikap ang komunidad ng daigdig, para magkabisa ito sa lalong madaling panahon. Kabilang dito aniya, lumagda ang Tsina sa kasunduang ito noong ika-22 ng Abril ng taong ito, bilang isa sa mga bansang unang lumagda sa kasunduan. Pinasulong din ng Tsina ang pagpapalabas ng G20 ng isang pahayag ng tagapangulo hinggil sa isyu ng pagbabago ng klima, bilang pagkatig sa Paris Agreement.
Sinabi ni Xi, na pagkaraang magkabisa ang Paris Agreement, pumasok sa bagong yugto ang pandaigdig na kooperasyon sa pagharap sa pagbabago ng klima. Isasagawa aniya ng Tsina ang mga malakas na aksyon sa usaping ito, at palalakasin din, kasama ng iba't ibang panig, ang pag-uugnayan at pagtutulungan, para magbigay ng ambag sa pagbuo ng makatarungan at makatwirang pandaigdig na mekanismo ng pangangasiwa sa klima, na may kooperasyon, at win-win situation.
Salin: Liu Kai