Sa panahon ng kanyang paglahok sa United Nations Climate Conference sa Marrakech, Morocco, sinabi kahapon, Huwebes, ika-17 ng Nobyembre 2016, sa media ni Xie Zhenhua, Espesyal na Kinatawan ng Tsina sa mga Suliranin ng Pagbabago ng Klima, na ang win-win result ay dapat maging target ng talastasan sa pagbabago ng klima.
Binigyang-diin ni Xie, na ang tema ng kasalukuyang pulong ay pagpapatupad ng Paris Climate Agreement. Dapat aniyang panatilihin ng iba't ibang kalahok na panig ang positibong atityud sa kooperasyon, para magbigay ng signal sa komunidad ng daigdig hinggil sa pagpapatuloy ng pandaigdig na pangangasiwa sa klima.
Ipinalalagay din ni Xie, na ang pondo at teknolohiya ay kasalukuyang dalawang malaking kahirapan sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga umuunlad na bansa sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Sa aspekto ng pondo, ani Xie, ang roadmap ng pagkakaloob ng tulong na pondo na iniharap ng ilang maunlad na bansa ay malayo pa sa kanilang pangakong ipagkakaloob kada taon hanggang sa taong 2020 ang 100 bilyong dolyares sa mga umuunlad na bansa.
Sa aspekto naman ng teknolohiya, sinabi ni Xie, na ang pangunahing problema dito ay hinggil sa pangangalaga sa intellectual property right. Para lutasin ang problemang ito, iminungkahi ni Xie, na ilaan ang espesyal na pondo sa Green Climate Fund para sa pagtutulungan at paglilipat ng mga teknolohiya.
Salin: Liu Kai