Beijing — Sa kanyang pakikipag-usap nitong Biyernes, Abril 21, 2017, kay Hishamuddin Hussein, dumadalaw na Ministro ng Tanggulang Bansa ng Malaysia, sinabi ni Chang Wanquan, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na may malalim at tradisyonal na pagkakaibigan ang Tsina at Malaysia. Sa ilalim ng magkasamang pagpapahalaga at pagpapasulong nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Najib Tun Razak ng Malaysia, lumalakas nang lumalakas ang estratehikong pagtitiwalaan, at komprehensibong isinusulong ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang panig sa iba't-ibang larangan. Nakahanda aniya ang panig Tsino na patuloy na magsikap kasama ng panig Malay, upang mapalakas ang pagdadalawan ng mataas na antas, mapasulong ang konstruksyon ng mekanismo, at ibayo pang mapatibay at mapasulong ang relasyon ng dalawang hukbo.
Sinabi naman ng panig Malay na kasalukuyang nasa mataas na lebel ang relasyong Malay-Sino. Buong tatag aniyang kinakatigan ng kanyang bansa ang inisyatibang "Belt and Road." Umaasa ang Malaysia na patuloy na mapapalawak ang larangang pangkooperasyon ng dalawang bansa at hukbo, at walang humpay na mapapalalim ang relasyon ng dalawang panig, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng