Sinabi kahapon, Lunes, ika-24 ng Abril 2017, sa Washington DC, ni Jin Liqun, Presidente ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), na ang bangkong ito ay dapat maging plataporma para sa pagtutulungan ng Tsina at Amerika, sa halip na lugar kung saan may pagkakaiba ang dalawang bansa.
Winika ito ni Jin sa kanyang talumpati sa Atlantic Council, isang think tank ng Amerika. Sinabi niyang sa simula pa lang nang iniharap ng Tsina ang mungkahi hinggil sa pagtatatag ng AIIB, may pagdududa na ang Amerika sa layon at takbo ng bangkong ito. Pero aniya, sa pamamagitan ng maraming pakikipag-ugnayan sa iba't ibang sirkulo ng Amerika nitong ilang taong nakalipas, napagtanto sa bandang huli ng panig Amerikano, na ang AIIB ay isang multilateral development bank na nagpopokus sa pamumuhunan sa imprastruktura, at hindi ito pinamumunuan ng Tsina.
Dagdag ni Jin, sa kanyang biyaheng ito sa Amerika, nakipag-usap siya sa mga opisyal ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump, at tinalakay nila kung paanong isasakatuparan ng mga bahay-kalakal na Amerikano at AIIB ang win-win result sa pamamagitan ng kooperasyon.
Isiniwalat din ni Jin, na sa kasalukuyan, hindi pa malinaw ang hangarin ng pamahalaang Amerikano sa paglahok sa AIIB. Pero, nakahanda aniya ang AIIB na makipagkooperasyon sa panig Amerikano hinggil sa isyung ito.
Salin: Liu Kai
Pulido: Mac
Web editor: Liu Kai