Idinaos kahapon, Biyernes, ika-28 ng Abril 2017, sa New York, ang pulong na ministeryal ng United Nations Security Council hinggil sa isyung nuklear ng Korean Peninsula.
Sa kanyang talumpati sa pulong, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na sa harap ng kasalukuyang tensyon sa Korean Peninsula, umaasa ang panig Tsino, na mararating ng iba't ibang panig ang komong palagay hinggil sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga may kinalamang resolusyon ng UNSC, at ibayo pang pagpapasulong sa pagpapanumbalik ng talastasan.
Dagdag ni Wang, dalawang pangunahing aspekto ang paninindigan ng Tsina sa isyung nuklear ng Korean Peninsula. Aniya, una ay paggigiit sa target na walang nuklear, at ikalawa ay paggigiit sa paglutas sa isyu sa pamamagitan ng diyalogo at talastasan.
Nanawagan din si Wang sa iba't ibang panig, lalung-lalo na sa Hilagang Korea at Amerika, na ipakita ang katapatan sa diyalogo. Aniya, ang pinakamahalaga sa kasalukuyan ay pagpapahupa ng tensyon sa Korean Peninsula, at komprehensibo at kumpletong pagpapatupad ng mga may kinalamang resolusyon ng UNSC.
Salin: Liu Kai