BEIJING, Mayo 16, 2017--Isiniwalat ni Hua Chunyin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na idaraos ang Unang Pulong ng Bilateral na Konsultatibong Mekanismo ng Tsina at Pilipinas hinggil sa South China Sea (SCS) sa Guiyang, Tsina. Inaasahan aniya ng Tsina na lilikha ito ng kondisyon para malutas ang mga hidwaan sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo.
Aniya, ang delegasyon ng Tsina ay pamumunuan ni Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina at ang delegasyon ng Pilipinas ay pamumunuan ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas ng Tsina.
Sinabi ni Hua, na layon ng pulong na isakatuparan ang mahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa na narating noong Oktubre ng 2016, at itatag ang institusyonal na plataporma ng diyalogo hinggil sa isyung may kinalaman sa South China Sea. Nananalig aniya ang Tsina na mararating ng dalawang bansa ang komong palagay, mapapalalim ang pagtitiwalaan, maiibsan ang paghihinala, maayos na hahawakan ang mga pagkakaiba, at mapapasulong ang kooperasyong pandagat sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong idaraos ang bilateral na pagsasanggunian ng Tsina at Pilipinas sapul nang manungkulan si Rodrigo Duterte bilang pangulo. Samantala, sa kanilang pag-uusap sa katatapos na Belt and Road Forum for International Cooperation, nagkasuondo sina Pangulong Duterte at Pangulong Xi Jinping ng Tsina na maayos na lutasin ang isyu ng SCS sa pamamagitan ng mapayapang diyalogo. Ito anila ay angkop sa saligang interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
salin:Lele