Sa pagtataguyod ng Overseas Chinese Charity Foundation of China, sinimulan kamakalawa, Biyernes, ika-19 ng Mayo 2017, sa Myanmar ang isang programa ng pagbibigay ng libreng cataract surgery.
Sa loob ng isang linggo, bibigyan ng grupo ng mga tauhang medikal ng Aier Eye Hospital Group ng Tsina ng libreng operasyon ang 200 may-sakit ng cataract sa Myanmar.
Sa seremonya ng pagsisimula ng programa, na idinaos kahapon sa Yangon, Myanmar, sinabi ni Peng Zhikun, puno ng grupo ng mga tauhang medikal, na ang programang ito ay bilang pagpapatupad ng plano ng pamahalaang Tsino at World Health Organization hinggil sa kooperasyong pangkalusugan sa ilalim ng Belt and Road Initiative.
Ayon pa rin sa kanya, sa loob ng taong ito, inaasahang isasagawa rin ang ganitong programa sa ilang bansang Timog-silangang Asyano, na gaya ng Pilipinas, Kambodya, Thailand, at iba pa.
Salin: Liu Kai