Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Tsina — Sa pagtataguyod ng Guangxi Arts University, pinasinayaan mula Mayo 25 hanggang 31, 2017, ang Ika-6 na "China-ASEAN Music Week." Dumalo rito ang 230 alagad ng sining mula sa 21 bansa't rehiyong kinabibilangan ng sampung (10) bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ipinahayag ni Sun Jianhua, Pangalawang Direktor ng Departamento ng Edukasyon, Kultura, at Turismo ng ASEAN-China Center (ACC), na ang China-ASEAN Music Week ay isa sa tatlong pangunahing plataporma ng Tsina sa international music exchanges. Ito rin aniya ay isang mahalagang proyekto ng pagpapalitang pansining sa pagitan ng Tsina at 10 bansang ASEAN.
Salin: Li Feng