Ipinahayag Mayo 31, 2017 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na iginigiit ng Tsina ang prinsipyo ng pantay na negosasyon at win-win situation sa pakikipagtulungang pangkabuhayan at pangkalakalan sa ibang bansa, sa halip ng pagsasaalang-alang at pangangalaga lamang sa interes ng sariling bansa.
Winika ito ni Hua bilang tugon sa isinasagawang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa pagtatatag ng espesyal na sonang pangkabuhayan ng Kyauk Pyu, Myanmar.
Binigyang-diin ni Hua na bilang mapagkaibigang magkapitbansa, nagkakaroon ang Tsina at Myanmar ng mahigpit na pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan. Aniya, kasalukuyang isinasagawa ng dalawang panig ang talastasan hinggil sa proyekto ng Kyauk Pyu. Dagdag pa niya, positibo ang pamahalaang Tsino sa pagpapasulong ng nasabing proyekto, batay sa prinsipyo ng pantay na negosasyon at win-win situation. Ito aniya'y makakatulong hindi lamang sa pagpapasulong ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan sa lokalidad, kundi maging sa pagpapataas ng pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang panig.