Nag-usap sa telepono ngayong araw, Lunes, ika-3 ng Hulyo 2017, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika.
Sinabi ni Xi, na nagkakaroon ng mga mahalagang bunga ang relasyong Sino-Amerikano, pero lumitaw sa relasyong ito ang ilang negatibong elemento. Lubos aniyang pinahahalagahan ng panig Tsino ang posisyon ni Trump hinggil sa paggigiit sa patakarang "Isang Tsina," at umaasa siyang maayos na hahawakan ng panig Amerikano ang mga isyung may kinalaman sa Taiwan, batay sa prinsipyong "Isang Tsina," at tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika.
Binigyang-diin din ni Xi, na batay sa pangkalahatang direksyon ng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano, dapat bigyang-priyoridad ng dalawang bansa ang kooperasyon, at kontrolin ang mga pagkakaiba.
Ipinahayag naman ni Trump, na malawak ang prospek ng relasyong Amerikano-Tsino, at marami ang komong interes ng dalawang bansa. Inulit din niya na patuloy na isasagawa ng pamahalaang Amerikano ang patakarang "Isang Tsina."
Tinalakay din ng dalawang lider ang hinggil sa G20 Summit na idaraos sa Hamburg, Alemanya. Ipinahayag ni Xi, na kailangang gumawa ng magkakasamang pagsisikap ang Tsina at Amerika, kasama ng iba pang mga kasapi ng G20, para pasulungin ang pagtatamo ng bunga ng summit na ito, at paunlarin ang kabuhayang pandaigdig. Ipinahayag naman ni Trump ang pag-asang makikipag-usap sa ibang mga lider ng G20 hinggil sa mga mahalagang isyu.
Salin: Liu Kai